KOLEHIYALA

Chapter I - Bumubula, Parang Laway


"Shit, kotse niya!"

Malayo pa lang alam kong kanya na yun.

Magse-second year na ko sa college at ito, patuloy pa ring umaasa sa sawing pag-ibig. Ilang buwan na, alam kong wala na kong pag-asa pa at may iba siyang gusto… yung mas maganda, mas femme ang dating, mas mahinhin, yung hindi ba brutal, tuso, mataray, may pagka-gothic o punk. Sa madaling salita, hindi ako.

Naaalala ko dati nung inamin ko sa kanyang mahal ko siya (through text, ha!), "Sana walang magbago. Kaya ayokong aminin sayo."

"Oo, promise, walang magababago!"

"Ako si…" ayun sa wakas nasabi ko na rin.

"Oh, ikaw. Talaga, as in, walang magbabago!"

Ilang araw din kaming magkatext at lumaki na talaga ang bill ko. Pero pagkatapos ng isang linggo, tumigil ang lahat at tumigil ang pag-ikot ng mundo ko. Tapos na ang pantasya ko sa kanya dahil kung hindi ko pa sisimulan, walang magiging usapan. Paminsan minsan tinetext ko siya hanggang nung isang linggo.

"The sky here is already dark but all I can think of is you. I cannot find the right words but I just want you to know that I remember (you), I always do." Ang huli kong quote na pinadala ko sa kanya. Putang ina! Nakalimutan ko pa isingit yung 'you.' Maling grammar pa ko ngayon. Tang ina talaga, nakakahiya.

"Friendster: Who I want to meet – I met her na, kilala mo sino ka! Ikaw si IC. Mahal na mahal kita C to the A." Hindi sa "I" simula ang pangalan ko, middle initial ko "C" pero hindi "A" ang apilyido ko. Oh shit! Hindi ako! Putang… tang… ay, leche! Pero meron akong masyadong creative na utak. "IC… ako si ICE… naku baka ako! Teka, A? Ano yun… oh, Ice Angel.. dati kong code… ako nga! Ako! Ako!"

Tama na ang pantasya. Muli, bumalik tayo sa realidad.

Ito ang realidad.

"Teka, tigil tayo!" yun lang ang nasabi ko kay Ces sa tapat ng canteen nung nakita ko yung plate number. "Saglit, tingnan lang natin."

"May tao! May tao!" obvious pa masyado ang reaksyon niya.

"Wag ka pahalata, ikaw naman. Saglit lang," buti na lang nasa backseat ako ng van kundi naku, nakita na ko ni Miguel. Oo si Miguel, ang matabang lalaking kinababaliwan ko sa asul na kotse.

"Ayan na, dadaan na."

Brrrrmmmmm… (parang kotse lang talaga ha).

"B-b-bakit… oh my, shit!"

Opo, ang lalaking pinagtutuunan ko ng atensyon, debosyon, load, bills, at utak para lang makaisip ng quote ay may kasamang babae sa loob ng kotse. Bigla na lang, lahat ng pag-asa ko ay nawala parang bula.

Naalala ko, parang sa movie, yung mga nakaraan… mga caring niyang text, may ngiti niyang mas nakakapagpabilog sa mataba niyang mukha, kababata ko siya, kaibigan ng nanay ko ang nanay niya, ano pa ba? Marami pa.

Lahat yun, nawala parang bula.

Pero hindi ko makakalimutan. Parang laway, kanina pa tumutulo hindi pa rin nauubos.