KOLEHIYALA

VI - Ang Seryosong Parte ng Buhay


Kinabukasan na 'ko umuwi ng Cavite. Hindi ako nalasing, walang inuman pagkatapos ng concert at hindi naman nakapunta sa dorm ni Jekjek sina Alwin dahil gabi na masyado at makikita ng guard. Okay lang, gusto ko lang naman siya mahalikan pero… saka na lang. Marami pang ibang guapo sa paligid.

Pagdating ko sa bahay, napatitig ako kay Mama. Bakit nga ba hindi pa naging French o basta puti ang dad ko?

Sabi ni Mama, mabait si Dad pero hindi ko na siya nakilala mabuti dahil matagal na siyang nawala. Malungkot, ayaw na kasi mag-asawa ulit ni Mama. Masaya din, dahil ako lang ang kelangan niyang intindihin. Pero mahirap lumaki ng walang kasamang ama.

Huminga ako ng malalim, alas-onse na ng umaga"Ma! Nandito na 'ko!"

"Oh, how's the concert?" bungad niya.

"Okay lang. May nakilala kaming mga boys," simula ko. Maswerte ako dahil understanding si Mama. Yun nga lang, minsan napapabayaan na niya ako. Doctor si Mama, yun nga lang lagi siyang napapadala sa mga Medical Missions at minsan kelangan niya pa mag-out-of-the-country kaya naiiwan ako mag-isa kay Yaya.

"Hmmm, ano naman ang nangyari?" Lumapit siya at hinawakan ang likod ko, "basa ka na ng pawis, maligo ka na… and give Mama a kiss."

Muah!

Malamig ang tubig, napatitig ako sa shower. Paano kaya kung may magawa akong mali? Madi-disappoint ng husto si Mama. Kelangang makatapos ng Accountancy. Pero, tagilid ako ngayong sem na to. Ang bait bait ni Mama.

"Ma, may sasabihin ako. Paano kung bumagsak ako?"

"Wag naman," medyo sumimangot siya. "Study harder, it's just the start, honey. Kapag malapit na ang pasahan, then we'll know. Pero alam kong kaya mo yan," tumitig siya sa'kin ng matagal at may halong pag-asa ang mga mata niya. Ayaw niyang matulad ako kay Daddy, nagpakamatay dahil isang frustrated accountant. Pressured siya ng mga magulang niya pero ayaw niya talaga ng kursong yun kaya hindi siya makapasa-pasa. Napagsalitaan siya ng grabe ni Lolo Martin at di na niya nakayanan yun. Simula nun, hindi ko na rin nakita sina Lolo dahil sinisi nila si Mama sa pagpapakamatay ni Daddy at kung bakit hindi siya makatapos-tapos kahit ilang taon na siya sa kolehiyo. Edad 26 si Daddy ng nawala siya. Ayoko na lang maalala yun, pero buong buhay ko lagi na lang sisihan ang naririnig ko tungkol dun.

Dad, bakit ang hina mo? Bakit iniwan mo agad kami?

Naiinis ako sa kanya, makasarili siya. Hindi man lang niya ako naisip, ni bigyan man lang ng kapatid.

Pagkatapos kong maligo, dumeretso na 'ko sa kwarto para matulog. Babalik na ko sa dorm sa hapon ding yun. Muli kong naisip si Mama, ang storya namin ni Jekjek, ang mga panlalait at paninisi sa amin ni Lolo Martin, nakakainis.