Sinulat ko ito para sa isa kong kurso, 2nd sem 06-07...matuwa sana kayo? Hah.
Patak ng Ulan
Nakatayo akong mag-isa, hinihintay ang pagtila ng ulan.
Sinusubukan ko silang bilangin isa-isa, ang mga patak ng ulan, patak ng ulan.
Kailan ba titigil ito? Kailan kaya matitigil ito?
Inip na inip na ako, makikipagkita pa naman sana ako sa kanya.
Nakisama ako sa pagmumura nila sa mga patak ng ulan, patak ng ulan.
Kailan ba titigil ito? Kailan kaya matitigil ito?
At bigla akong nakarinig ng tawa, nakakita ng ngiti sa gitna ng mundong nakasimangot.
Kay saya mo habang sumasayaw, kasabay ang patak ng ulan, patak ng ulan!
Titigil ba ito? Matitigil kaya ito?
Ang bistida mo, ang bag mo, ang buhok mo'y basang-basa na, ngunit hindi ka pa rin tumitigil sa pagsayaw.
Hawak-hawak mo pa ang payong mong hindi mo ginagamit sa patak ng ulan, patak ng ulan!
Titigil ba ito? Matitigil kaya ito?
Sana ako rin maging katulad mo, isang babaeng hindi takot sa mumunting patak-ulan.
Nakabukas ang palad mo, handang sumagip sa mga patak ng ulan, patak ng ulan.
Nakikita mo ba ako? Makikita mo kaya ako?
Hayaan mo't makukuha ko ring malapitan ang ulan.
Sana'y hintayin mo ako...ikaw at ang patak ng ulan, patak ng ulan...
Nakikita mo ba ako? Makikita mo kaya ako?
PS: Wow, hanapin ang temang lesbiana! xD