Tsapter 1: Ako po ay isang Badjao

Sa jeep marami tayong matutunan, minsan 'di natin sinasadya, minsan pinilit nating intindihin para matutunan. Sa jeep nangyayari ang samu't-saring mga bagay. Mga nakakatawa at nakakainis na eksena, mga nakakaiyak at nakakapamangha.

Gusto kong ikwento sa inyo ngayon ang nakita ko kaninang umaga. Tuwing pumapasok ako sa school, DBB-C ang sinasakyan kong jeep (sa Imus Cavite ako nakatira). Kanina, nasubok ang isa sa mga paniniwala ko. At hindi ko alam kung paano ako mag-rereact.

Naniniwala akong tungkulin kong tulungan ang kapwa ko. Mas pinatibay pa 'yun ng lecture namin sa Philo103 (Philosophy of Man). Sabi ni Emmanuel Levinas na lahat ng tao ay may sense ng basic human responsibility. Bago pa natin matutunan ang excuse para hindi makapag-bigay sa mga pulubi na 'malaki naman ang katawan nila, ba't hindi sila magtrabaho, dapat hindi sila namamalimos', nakukunsensya tayo na hindi magbigay sa naghihingi ng pambili ng pagkain, Nagso-sorry tayo, kasi pakiramdam natin, kahit hindi natin kilala 'yung tao na 'yon, may responsibilidad tayo sa kanya.

Kahit mahal ang University na pinapasukan ko, hindi malaki ang baon ko. Pero alam kong hindi ko mauubos ang baon kong pera, basta hindi lang ako gagastos para sa hindi ko kailangan. Kanina, may babaeng sumakay sa jeep na sinasakyan ko. May dala s'yang sobre at medyo madungis nga s'ya. Inabutan n'ya kami ng sobre.

"Ako po ay isang Badjao, pahingi naman po ng kaunting tulong pambili ng pagkain" –sabi ng sobre

Hindi 'yon ang una kong beses sa mga nanghihingi ng tulong sa mga jeep. Ayokong magmayabang pero sa tuwing may naghihingi sa jeep, naabutan ko naman sila ng kahit kaunting meron ako. Nakaranas din ako ng hirap, alam ko ang pakiramdam ng gutom at wala kang pambili ng pagkain. Iniisip kong sana makakain s'ya sa kaunting nanigay ko.

Bumaba ang babae, kinuha ang mga sobre. Maya-maya, may sumakay naming lalake, medyo madungis din, at may dala uling sobre.

"Ako po ay isang Badjao, pahingi naman po ng kaunting tulong pambili ng pagkain"

Nakasulat uli 'yon sa sobre. Ngayon napaisip ako. Baka kaya naman talagang magtrabaho ng mga naabutan ko? Parehong –pareho kasi ang nakasulat, baka magkasabwat sila, at ginagawa nilang hanap-buhay ang "Badjao sobre". Mali ba ang pagkakaintindi ko sa Basic Human Responsibility? Mali bang pag-isipan ko ng masama ang kapwa ko dahil nakakita ako ng dahilan para pag-isipan ko sila ng masama?

Hanggang ngayon hindi ko pa rin nasasagot ang sarili kong tanong. Inabutan ko pa rin yung lalaki ng kaunting meron ako, pero noong panahon na 'yon, alam kong hindi bukal sa loob ko ang pagbibigay. Nahihirapan akong magdesiyon ngayon kung sa sususnod na beses ba na makaka-encounter ako ng ganon, bibigyan ko pa ba. Sabi sa'kin ng mga classmate ko 'wag ko na bigyan, pero kontra 'yun sa paniniwala kong Basic Human Responsibility. Ewan ko ba, lahat ng iniiisip ko ngayon kontra-kontra.

"Ako po ay isang Badjao, pahingi naman po ng kaunting tulong pambili ng pagkain"

Sa jeep ko sila nakita.

~LittleLoser 100411